Martes, Setyembre 22, 2015

Hinaing ng Isang Anak

           “Miguel, maglaba ka na. Nasa likod-bahay na ang mga labahin.” ‘Yan ang salubong kay Miguel ng kaniyang ina hindi pa man siya tuluyang nakakapasok sa loob ng bahay nila.            
           “Opo, `Nay,” magalang niyang sagot rito saka inabot ang kamay nito para magmano. Mabilis nito iyong binawi.
            “Pagkatapos mo ro’n, magluto ka na ng hapunan. Bilisan mo.” Muli siyang sumang-ayon at umalis na ito. Marahil ay pupunta na naman ito sa kumare nito para makipagkuwentuhan.
            Sanay na siya sa ganoong uri ng eksena pagkakagaling niya sa eskuwelahan; sa kaniya iiwanan ng kaniyang ina ang mga labada, o kaya ay magluluto siya ng hapunan nila pagkatapos ay magliligpit siya ng kalat sa kanila. Mula pa pagkabata niya hanggang ngayon na nasa ikalawang baitang na siya sa high school ay wala pa ring pinagbago ang turing ng mga magulang niya sa kaniya. Katulong lang siya para sa mga ito. Ngunit ano pa ba’ng magagawa niya, e, hindi naman siya tunay na anak ng mga ito. Naiinggit siya sa ibang kabataan na yakap at halik ang natatanggap mula sa mga magulang. Kakaiba siya dahil imbis na iyon ang matanggap niya, utos at napakalamig na trato ang kaniyang natatanggap mula sa mga ito. Minsan pa’y sinasaktan siya.
            Tinungo niya ang kanilang maliit na kuwarto at inilagay sa isang sulok ang sukbit na bag na naglalaman ng mga kuwarderno at napakaraming aklat na ginagamit sa pag-aaral. Kasunod niyang hinubad ang suot na uniporme na naninilaw na dulot ng sobrang kalumaan, at ang itim na sapatos niyang halos matanggal na ang swelas. Naghanap siya ng maisusuot pagkatapos ay nagtungo na sa likod-bahay para maglaba.
            Mamaya ko na lang gagawin ang mga takdang-aralin ko, aniya sa isip.
            Sa likod-bahay ay natagpuan niya ang tambak na labahin. Naroon ang mga damit ng kaniyang ama’t ina. Mga pantalon, shorts, blusa, at kung ano-ano pa. Tatlong araw pala siyang hindi nakapaglaba dahil nangalakal siya noon. Nang may maalala siya ay muli siyang bumalik sa kuwarto at kinuha roon ang kahuhubad lamang na uniporme.            Inihiwalay niya ang mga puting damit mula sa mga de-kolor at sinimulang magkusot ng mga labahin. Matapos ang mahigit isang oras ay natapos na siya sa ginagawa. Sa pagtayo niya ay naramdaman niya ang sakit ng kaniyang likod at ng mga tuhod. Tumatagaktak na rin ang pawis niya sa noo pati na rin sa likod ngunit hindi niya iyon ininda.            “Magagalit si nanay kapag hindi ko ito natapos.”
             Dinala niya ang mga nalabhang damit sa may gilid ng bahay at isa-isang isinampay ang mga iyon sa nakakabit na mahabang kawad.
            Mula sa kinatatayuan ay natanaw niya sa malayo ang papalubog pa lamang na araw. Napakaganda ng kulay noon. Animo may mahikang nakapalibot doon na nagsisilbi nitong liwanag. Sa pamamagitan ng pagtitig doon ay gumagaan ang pakiramdam niya. Nakakahinga siya ng maluwag. Tila kasi umaangat mula sa mga balikat niya ang napakabigat na bagay.
            Dali-dali siyang nagtungo sa loob ng bahay nang maalala niya na kailangan pa nga pala niyang magsaing. Wala pa ang kaniyang ina, pati na rin ang kaniyang ama na marahil ay nasa inuman na naman. Kailangan na ulit niyang ihanda ang sarili sa pag-uwi nito.
            Naglagay siya ng dalawang tasa ng bigas sa kaldero – malakas kasi kumain ang mga ito. Pagkatapos ay isinalang iyon sa apoy. Sinunod niyang hinugasan ang mga ginamit na platong nasa lababo. Pinagkainan siguro iyon ng kaniyang ama’t ina kaninang tanghali. Habang naghuhugas ng plato ay napatulala siya nang makaisip ng panibagong pangyayari sa isinusulat niyang kuwento. Hilig rin kasi niya ang magsulat. Dulot marahil iyon ng pagbabasa niya ng mga komiks na nahihiram niya sa mga kaklase niya o kaya ay sa pagbabasa niya ng iba’t ibang uri ng kuwento.
            Napangiti siya sa naisip na eksena. Ang kuwento niya kasi ay tungkol sa isang bata na ipinangalan niya sa kaniya. Ang pagkakaiba nga lang, nasa magandang estado ang buhay ng batang si Miguel sa kuwento niya. Ginawa niya itong mayaman; may malaking mansyon katulad ng mga napapanood niya sa teleserye; may masaya itong pamilya, at palagi itong nakakatanggap ng yakap at halik mula sa mga magulang – ibang iba sa sitwasyon niya ngayon. Ngunit ayos lamang iyon, wala siyang karapatang magreklamo dahil ampon lamang naman siya. Masaya na rin siya dahil kahit paano ay nakamit niya ang pangarap na magkaroon ng masayang pamilya kahit sa kuwento lang. ‘Yon ay sa pamamagitan ng papel at panulat na ginagamit niya sa pagsusulat. Ang nakakalungkot lamang ay ayaw ng kinikilala niyang magulang ang ginagawa niyang pagsusulat dahil wala raw siyang mapapala roon.
            Sa isinusulat niyang kuwento, naroon na siya sa parteng nalaman ng bidang si Miguel na ampon lamang ito. Naisip na niya ang isusunod na eksena roon. Hindi ito maglalayas o magagalit sa kinikilalang pamilya, bagkus ay lalo pa nitong mamahalin, at buong pusong pasasalamatan ang mga kumupkop dito dahil hindi ito itinakwil sa katotohanang ampon lang ito.
            ‘Yon na lamang ang isusulat ko,’ aniya sa isip. Mamaya na lamang siguro niya lalagyan ng dayalog ang buong pangyayari.
            Kung maaari nga lang sana na kapag isinulat niya sa isang papel ang gusto niyang mangyari sa kaniya ay matutupad, iyon ang isusulat niya. At least, kahit hindi siya totoong anak, may mga kumupkop naman na mga taong mapagmahal. ‘Yon nga lang, mapait ang reyalidad niya. May magulang nga siyang kinikilala pero nangungulila pa rin ang puso niya sa kalinga ng isang tunay na ina at ama.
            Ayon kasi sa kaniyang ina ay patay na raw ang totoo niyang ina. Wala raw itong kuwenta. Marami raw itong bisyo na sanhi ng kamatayan nito. Hindi na binanggit sa kaniya kung kaano-ano ng mga ito ang totoong ina niya. Basta raw noong sanggol pa lang siya ay kinuha siya ng mga ito sa tirahan nila ng kaniyang tunay na ina. Naroon daw siya sa tabi ng kaniyang ina, na noo’y wala ng buhay. Sapat na dahilan na siguro iyon para pasalamatan niya ang mga umampon sa kaniya. Ngunit sa paglaki niya ay lumupit ang mga ito. Araw-araw siyang nakakatanggap ng sakit – pisikal man o emosyonal. Ang laki raw kasi ng gastos na inilalaan para sa kaniya. Nagplano na ang mga ito noon na ipamigay siya pero nagmakaawa siya. Kahit paano kasi ay ayaw niyang mawalay sa mga magulang. Minahal na niya ang mga ito.
            Humugot siya ng malalim na hininga at napabalik sa kasalukuyan nang marinig ang malakas na pagtawag sa kaniya ng kaniyang ama. Sa gulat niya ay aksidenteng dumulas mula sa mga kamay niya ang hawak na plato. Pumatak iyon sa sahig at nabasag. Tumama ang ilang piraso noon sa hubad niyang paa. Nagdugo iyon. Mabilis siyang yumuko at isa-isang pinulot ang piraso ng nabasag na plato. Kabadong-kabado siya sa mga puwedeng mangyari. Malalagot siya nito!
            Sa paglingon niya sa may pintuan ay nakatayo roon ang kaniyang ama. Waring nagpakalunod na naman ito sa alak. Masamang masama ang tinging ipinupukol nito sa kaniya. Lalong bumilis ang kabog ng kaniyang dibdib kasabay ang pagkirot ng paa na nagdurugo. Inihanda na niya ang sarili.
            “Hoy, Miguel!” Mabilis siyang nilapitan ng lasing na ama. “Punyeta kang bata ka! Wala na nga tayong pinggan, nagbabasag ka pa.” Mahigpit nitong hinawakan ang buhok niya, hinila iyon palikod dahilan upang mapatingala siya sa ama. Mapupula ang mga mata nito, animo kakainin siya nito ng buhay. Napangibit siya sa sakit. Gusto niya itong itulak at tumakbo palayo ngunit hindi niya magawa dahil nanginginig sa takot ang buo niyang katawan.
            Dinuro siya nito sa mukha at paulit-ulit na itinulak ang noo niya gamit ang daliri nito. “A-aray, `Tay.”
            “Masakit, ha?” Hinigpitan pa nito ang hawak sa kaniyang buhok. “Masasaktan ka talaga kung tatanga-tanga ka. Simpleng paghuhugas lang plato hindi mo pa magawa ng maayos.” Nalanghap niya ang amoy ng hininga nito – amoy alak, hindi niya  lang mawari kung anong klaseng alak iyon. Hinila siya nito patayo habang nakasabunot pa rin ang kamay sa buhok niya. “Wala ka talagang kuwenta. Dapat matagal ka na naming ipinamigay.”
            Lalo siyang natakot sa pahayag na iyon. Ayaw niyang ipamigay siya ng mga ito. Mahalaga ang mga ito sa kaniya kahit pa ganoon ang trato sa kaniya. “’Wag po, ‘Tay. ‘Wag n’yo po akong ipamigay,” pagmamakaawa niya. “Pasensya na po sa nagawa ko. Hindi ko sinasadya. N-Nagulat lang ho ako sa sigaw ninyo kanina.,” nanginginig niyang paliwanag. Hindi na niya napigilan ang mapaluha. Nasasaktan na siya; pisikal at emosyonal. Maya-maya pa’y wala na ang kamay ng kaniyang ama sa ulo niya ngunit dama pa rin niya ang sakit noon.
            Nanlaki ang mga mata nito sa paliwanag niya. Tila lalo pa yata itong nagalit at mas nanlisik ang mapupulang mga mata. “Ano’ng sinasabi mo? Ako pa ang may kasalanan kung bakit ka nakabasag? Walang’ya ka talagang bata ka. Inutil!”
            “H-Hindi ho, `Tay.”
            “Ano na naman ang nangyayari rito?” Sabay pa silang napabaling sa nagsalita. Kapapasok lang ng kaniyang ina at masama rin ang tingin nito sa kaniya.
            “Iyang batang iyan! Nagbasag ng plato.”
            Masama itong bumaling sa kaniya at naglakad palapit. Dumapo ang mabigat nitong kamay sa braso niya pati na rin sa pisngi. “Hindi ka na ba magtitino?! Ilang plato na ba ang nabasag mo? At ilan pa ba ang babasagin mo?”
            “Hindi ko po talaga sinasadya, ‘Nay, ‘Tay,” wika niya at halos hangin na lang ang lumabas mula sa bibig niya sa sobrang takot.
            Nanatili siyang nakatungo habang nakatitig sa paa niyang nagdurugo pa rin. Malalim ang sugat noon dahil tumama roon ang malaking piraso ng nabasag na plato. Ngunit katulad ng inaasahan, walang pakialam ang kaniyang magulang sa nasugatan niyang paa.
            “Bwisit na bata.” Nahagip ng tingin niya ang ama na naglalakad patungo sa lamesa. “Nasa’n na ang pagkain? Bakit wala pa?” May bahid ng pagkairita ang tono nito.
            ‘Yong kanin! Nawala na sa isip niya ang nakasalang pa rin na sinaing sa likod bahay nila. Malamang sunog na ‘yon at lalo siyang malilintikan. Lagot!
            Pinilit niyang igalaw ang mga paa niya na animo napako sa sahig. Nang magtagumpay siya ay mabilis siyang umalis sa kinatatayuan at nagtungo sa likod bahay. Mabilis ang  paghinga niya. Binuhusan niya ng tubig ang apoy at sa pag-alis niya sa takip ng kaldero ay nangangamoy sunog na iyon.
            “Lintik kang bata ka! Tabi!” Tumilapon siya sa gilid dahil sa lakas ng tulak sa kaniya ng ina. Napaupo siya sa magaspang nalupa habang natatakot na nakatingin sa ina. Ipinasok nito sa loob ang kanin. Sumunod siya rito ngunit isang lumilipad na tsinelas ang sumalubong sa kaniya. Napaupo siya at napasapo sa tiyan niya na tinamaan niyon. Maya maya’y kutsara naman ang tumama sa may bandang ulo niya at kasabay noon ay ang pagbigkas ng mga ito ng malulutong na mura.
           Wala na siyang ibang nagawa kung ‘di ang umiyak na lamang. Gusto niyang sumagot sa mga ito at ipagtanggol ang sarili niya ngunit tila napipi siya at nanatiling sarado ang kaniyang bibig. Dumapo muli ang mabigat na palad sa pisngi niya, sa pagkakataong iyon ay kamay naman iyon ng ama. Sa pakiwari niya y kaunti na lang at magdurugo na rin ang kaniyang mukha.
            “Binasag mo na nga ang plato, sinunog mo pa ang kanin! Mula bukas, hindi ka na papasok!” galit na wika ng kaniyang ama. “Wala ka namang natututunan sa eskuwelahan n’yo. Sayang ang ginagastos namin sa iyo.”
            Tiningala niya ang mga ito. Patuloy ang paglandas ng masasagana niyang luha. “`T-Tay,”
            Nilapitan siya nito at sinipa sa binti habang ang kaniyang ina ay nakamasid lamang sa kaniya, ngunit tila nabakas niya sa mukha nito ang awa para sa kaniya... o baka namamalikmata mata lamang siya. “Aangal ka?”
            “Mananatili ka rito sa bahay at wala kang ibang gagawin kung ‘di ang maglinis ng bahay. At ayaw kitang makikitang nagsusulat,” segunda ng kaniyang ina. Malik-mata nga lamang iyon.
            Bakit? Ang pigilan siya sa pagsusulat ay mas masakit pa kaysa sa pisikal na pananakit ng mga ito.
            Alam niyang ayaw ng mga ito ang nagsusulat siya pero sa anong kadahilanan? Hindi niya mawari iyon ngunit batid niyang may malalim na dahilan ang mga ito. “’Nay, kahit ang pagsusulat lamang, hayaan n’yo ako,” pakiusap niya.
            Hindi ito umimik bagkus ay nagtungo lamang sa kuwarto nila. Sinundan niya ito ng tingin. Ang kaniyang ama naman ay nakapuwesto na sa hapag-kainan at nagsisimula ng kumain. Sa paglabas ng ina ay hawak nito ang isang kuwaderno na pamilyar sa kaniya. Ang notebook ko! Doon niya isinusulat ang mga kuwento niya. Binuklat iyon ng ina at isa-isang pinunit ang bawat pahina. “Hindi. Ka. Na. Magsusulat,” wika nito. 
          Tila dahan-dahan ding pinupunit ang kaniyang pagkatao sa nasasaksihan. Ang mga pangarap niyang maging ganap na manunulat ay naglaho na rin sa imahinasyon niya. Napuno na siya ng tuluyan at napalitan ng galit ang nararamdaman niya. Nilundag niya ang kinatatayuan nito at mabilis na inagaw rito ang kaniyang kuwaderno. Nagulat ang mga ito sa ikinilos niya. Kahit ang kaniyang ama ay napatigil sa pagkain.
            “Tama na, ‘Nay, ‘Tay! Alam ko hong ampon lang ako at malaki ang utang na loob ko sa inyo pero hindi ko na ho kayang tiisin ang pananakit n’yo.” Pinalis niya ang luha niya ngunit hindi natigil ang pag-agos niyon. “Hindi ko alam kung ano’ng dahilan ninyo at ganito ang trato n’yo sa ‘kin, wala akong ideya roon. Sa kabila ng lahat ng pananakit ninyo, nagpapasalamat pa rin ako sa inyo – mahalaga kayo sa ‘kin, e. Pero isang hayop  ang turing n’yo sa ‘kin at punong-puno na ho ako.”
            “Aba’t, bastos kang bata ka. Sinasagot mo na kami ng tatay mo?!”
            “Opo! Dahil maling-mali na ang ginagawa n’yo sa ‘kin. Mas mabuti pa nga siguro kung aalis na ako rito.”
            Pagkasabi niyon ay lumabas siya ng bahay at iniwang tulala ang mga magulang. Napansin niya ang ilang tao na malamang ay nakikiusyoso sa sigawan nila. Bakit hindi nakialam ang mga ito upang ipagtanggol siya?
            Patuloy ang pag-alpas ng luha mula sa kaniyang mga mata. Wala siyang ibang dala kung ‘di ang sarili at ang kuwadernong naglalaman ng mga pangarap niya. Ni hindi na niya naisipang magsuot ng tsinelas. Lalo tuloy nanakit ang mga paa niya. Marahil tama rin ang desisyon niyang umalis. Bahala na kung saan siya mapunta ang mahalaga ay makalayo siya sa mga taong ibinababa siya. Gusto man niyang alamin ang totoong kuwento niya at kung bakit ganoon na lamang ang galit sa kaniya ng kinikilalang magulang, hahayaan na lamang niya. Ipinagpatuloy niya ang paglalakad sa tila walang katapusang daan – sa ilalim ng maliwang na buwan. 
          Ipinapangako niya sa sarili niya na magtatapos siya ng pag-aaral. Sa murang edad na kinse anyos ay sisimulan niyang buuin ang kaniyang pangarap. Alam niyang hangga’t may panulat at papel siya ay magagawa niya iyon. Oras na matupad lahat ng iyon ay babalikan niya ang mga magulang – hindi para magmayabang kun’di upang ipakita sa kanila na nagawa niya lahat ng walang hinihinging tulong mula sa mga ito.
            Pinalis niya ang luha gamit ang manggas ng suot na damit. Sa ngayon, kailangan muna niyang humanap ng matutulugan, siguradong may bakante pang puwesto na maaaring tulugan sa tabi ng kalsada. Hindi magtatagal, naniniwala siya na isang araw ay sa malaki, maganda, at malambot na kama na siya gigising.

Malungkot na Kapalaran

       
MULA sa kahon na kinalalagyan ko ay narinig ko ang mga yabag mo rito sa loob ng bodega. Mabibigat ang mga yabag na bahagyang nagpapatalbog sa maliit kong katawan. Hindi ko mawari kung sino ka pero sapat na dahilan na iyon upang makaramdam ako ng kaunting pag-asa.
       Paminsan-minsan ay tumitigil ang mga hakbang. Ilang sandali pa ay naramdaman ko ang pag-angat ng munti kong silid pagkatapos ay unti-unting bumukas ang pintong kaytagal ko ng gustong buksan.
       Makakaalis na ba ako muli sa kulungang ito?
       Tinapatan mo kami ng flash light at ngiting-ngiti ako sa ‘yo. Hindi ko nga lang maaninag ang iyong mukha dahil madilim dito sa bodega. Matapos ang ilang segundo ay bigla mong isinara ang kahon. Magpo-protesta sana ako ngunit ano ba naman kung sumigaw ako? Hindi mo naman maririnig.
       ”Hindi ko man lang nasilayan ang liwanag,” malungkot kong ibinulong sa sarili.
       Ngunit tila naman narinig ang aking kahilingan. Muling bumukas ang kahon at ganoon na lamang saya ko nang tumambad sa akin ang liwanag. Bahagya pa akong napapikit dahil naninibago ako roon.
       Tumingala ako sa kisame at naroon ang bombilya na nagbibigay ng liwanag sa bahaging ito ng bahay.
       “Ilang taon na ba ang nakalipas mula nang makita ko ang kuwartong ito? Ah... hindi ko na maalala,” aniko.
       "Sana hindi magalit si papa sa ginagawa kong ito." 
       Napalingon ako sa ‘yo. Pamilyar ang iyong mukha. Dinampot mo ako at masuyong hinipan upang maalis ang alikabok na dumikit sa katawan ko. Napakalambot ng palad mo. Pansamantala akong napanganga nang isabit mo ako sa christmas tree. Kaytagal na rin mula nang makita ko ang punong ito. Napahagikhik ako. Kulay dilaw ako kaya naman sigurado akong aangat talaga ang kulay ko rito. Walang dudang Pasko na at matapos ang napakahabang panahon, gagamitin ulit kami bilang disenyo sa napakalungkot na bahay na ito.
       Malinaw kong natitigan ang iyong mukha. Ikaw yata ang labing-isang taong gulang na bata sa nakaraan ko. Ngunit paanong nangyari na ganito ka na kalaki ngayon? Sa tantya ko ay nasa bente na ang edad mo. Ang hugis parisukat mong mukha, matangos na ilong, kulay tsokolateng mga mata, at ang makakapal mong kilay. Ikaw nga ang batang si Marcus na madalas kong makalaro noon.
       Naaalala ko pa ang panahon na iniuwi ako ng pamilya mo mula sa maliit na bangketa sa isang bayan. Magpapasko noon at ikaw mismo ang pumili sa amin para bilhin. Madalas mo akong laruin dahil paborito mo ang kulay dilaw. Hindi matawaran ang sayang naramdaman ko noon lalo na kapag nakikita kitang nakangiti. Bawat Pasko, ikaw mismo ang kumukuha sa amin sa malinis na bodega – na ngayon ay hindi na binibisita pa.
       Ngunit lahat pala talaga ay nagbabago, nagwawakas. Matapos ang tatlong Pasko, tuluyan mo kaming itinago at hindi na ginamit pa. Isang araw noon matapos ang Pasko, naaksidente ang iyong ina. Batay sa pagkakarinig ko ay nabangga ang sinasakyan niyang dyip. Isa siya sa hindi na umabot pa sa ospital. Labis ang lungkot mo at ng iyong ama.
       Hindi ko man alam ang buong kuwento, batid kong may kinalaman ang aksidenteng iyon kung bakit nawalan na rin ng buhay ang bahay na n’yo. Tinitigan ko ang mga mata mo. Hindi maitatago ang lungkot doon. Gusto kong haplusin ang iyong mukha ngunit wala akong kakayahan na gawin iyon. Wala akong magawa kundi titigan ka.
       “`Wag ka nang malungkot. Narito pa ako,” sambit ko kahit alam kong hindi mo maririnig.
       “Sino’ng may sabi sa ‘yong kuhanin mo ‘yan sa bodega?” Sabay tayong napatingin sa nagsalita – ang iyong ama! Masama ang kaniyang tingin.
       “Pa, Pasko ngayon at dapat lang na maglagay ako ng kulay rito.”
       “Hindi ba’t sinabi kong hindi na puwede ang mga ganyang kaartehan sa bahay ko? Matagal ko na iyang ipinagbawal. Iligpit mo ang mga iyan kung ayaw mong sirain ko ‘yan.” Puno ng awtoridad ang boses niya.
       Hindi ko maiwasan ang mainis sa kaniya. Bakit ganoon na lang ang galit niya sa amin. Wala kaming kasalanan sa kaniya. Tungkulin lang naming bigyang kulay ang isang bahay. Kasalanan na ba ‘yon?
       “Walang masama sa ginagawa ni Marcus!” sigaw ko.
       “Wala hong kinalaman ang Pasko sa pagkawala ni Mama noon,” katwiran mo. “Napakatagal na noon at gusto kong buhayin ang bahay na ito”
       Nagtiim ang bagang niya at lumapit sa ‘yo. “May kinalaman ang Pasko. Kaarawan Niya ngayon. Kaarawan Niya ang Pasko at Siya ang kumuha sa Mama mo! Wala akong planong magdiwang ng kaarawan niya. Ngayon,” tumuro ito sa sa christmas tree, “iligpit mo na ‘yan habang hindi ko pa naiisip na itapon iyan.”
       Nilampasan ka niya at tinungo ang direksyon ng kuwarto.
       “Pa,”
       “Ang sabi ko alisin mo ang mga ‘yan.”
       “Pero –“
       Lumingon siya at kahit ako'y nasindak. “Hindi mo ba ako narinig!? Ang sabi ko iligpit mo ang mga bagay na iyan!”
       Gusto kong maging tao sa mga oras na ito. Gusto kong humarang sa pagitan ninyo at ipaintindi sa ama mo na walang kinalaman ang Diyos sa pagkamatay ng asawa niya. Lahat ng bagay, lahat ng tao, may wakas.
       Mabilis siyang nakalapit sa puwesto ko. Nanlilisik ang kaniyang mata at walang ano-ano’y inalis niya ang isang bola at itinapon iyon sa kung saan. Napasinghap ako lalo na nang ako ang madampot ng kamay niya. Humarap siya sa ‘yo habang hawak ako. Mahigpit ang pagkakahawak niya sa akin. Nasasakal ako. Wala akong lakas para lumaban. Ramdam ko ang galit niya. Puno ng hinagpis at poot.
       “Walang Pasko, Marcus."
       “Meron, Pa. Kung bubuksan n’yo lang muli ang isip n’yo at tatanggapin ang mga nangyari, mararamdaman ninyo ang kagandahan ng Pasko. Hindi ito magugustuhan ni Mama oras na makita niya kayo sa gan’yang sitwasyon. Kailangan n’yong tanggapin... na wala na siya.”
       Lumandas ang luha sa mata mo ngunit tila bato ang iyong ama. “Walang Pasko at `wag ka nang makipagtalo sa 'kin kung ayaw mong samain.”
       Mabilis ang mga pangyayari. Tumilapon ako at malakas ang pagbagsak ko sa sahig. Naramdaman ko ang pagkabiyak ng parte ng katawan ko. Tumalbog ako at gumulong sa isang sulok. Wala akong magawa. Ito ang buhay ko. Hindi ako ang kumokontrol.
       “Noong araw na mawala ang mama mo, hindi na ako naniniwala sa Kaniya."
       “Alisin mo ang poot sa dibdib mo,” usal ko. “Totoo Siya dahil Siya ang nagbibigay sa atin ng buhay. Siya at ang Pasko ang nagbibigay ng pag-asa sa lahat. Hindi mo kailangang maging ganito," mangiyak-ngiyak kong sabi.
       Hindi pa yata nakuntento ang iyong ama. Nilapitan niya ako at tinapakan. Tuluyang nadurog ang katawan ko. Matapos iyon ay umalis na siya ngunit hindi nakalampas sa paningin ko ang malulungkot niyang mata.
       Napabaling ako sa ‘yo na tahimik na nakatulala sa akin. Patuloy ang paglandas ng luha mo. Hindi ko maipaliwanag ang sakit na nararamdaman ko. Hindi na yata mababago pa ang bagong paniniwala ng iyong ama ngunit alam ko na balang araw, mabubuhay muli ang bahay na n’yo.
       “`Wag kang mag-alala, Marcus. Hindi pa huli ang lahat. Balang araw...” sambit ko. Nakakalungkot lang na sa araw na iyon, hindi na ako makakapagbahagi pa ng kulay sa tahanan nyo. Dahil ano mang oras, maglalaho na ako

Bituin sa Kalangitan


       Malamig na ang simoy ng hangin. Humahaplos iyon sa balat ng labing-limang taong gulang na si Isay. Hindi maitatanggi na nalalapit na ang Pasko. Marami na namang bata ang nasasabik na makatanggap ng regalo galing sa kani-kanilang ninong at ninang. Subalit ang batang si Isay ay wala noon pero umaasa pa rin siya kahit paano.
       Patuloy siya sa paglalakad sa may kadilimang kalsada. Bahagya ng nananakit ang mga paa niya. Pudpod na rin kasi ang tsinelas niya na napulot niya lang sa basurahan noong isang araw. Pati na rin ang amoy niya ay hindi na kaaya-aya kaya hindi nakakapagtakang nilalayuan siya ng mga tao sa tuwing lalapit siya sa mga ito. Sobrang dungis na rin ng T-shirt at shorts niya.
       Nakatingala siya sa kalangitan at nakatingin sa maliwanag na bituin. Sinusundan niya kasi iyon habang tahimik na nananalangin na sana ay maging masaya ang Pasko niya kahit mag-isa lamang siya. Baka sakaling dalhin siya ng bituin na iyon sa hiling niya.
       Matagal nang wala ang magulang ni Isay. Madalas kasi silang matulog sa gilid ng kalsada dahil wala silang permanenteng tahanan. Isang araw ay nagising na lamang siya na wala na ang ina sa tabi niya. Kung nasaan ito ay hindi niya mawari. Ang hula niya ay iniwan talaga siya nito sapagkat ampon lang naman siya. Pabigat lang siya rito. At mula noon ay mag-isa na siyang gumagawa ng paraan para mapunan ang kumukulong tiyan.
       Sa paglalakad niya ay natanaw niya ang ilang bata sa tapat ng isang bahay. Masigla ang mga itong umaawit. May hawak ang mga itong pinagsama-samang tansan na nakakabit sa kawad upang magsilbing tunog sa pangangaroling. Pinagmasdan niya ang mga ito at pagkatapos ay nakita niyang lumabas ang may-ari ng bahay at may iniabot sa mga batang umawit. Halos magtatalon ang mga ito sa natanggap.
       ‘Ano kaya ang binigay n’ong babae sa kanila? Pera kaya iyon?’ aniya sa isip.

       Nalampasan na siya ng mga bata. Hindi niya maiwasang makaramdam ng inggit sa nakita. Gusto niya rin maging ganoon kasaya. Gusto niya magkaroon ng mga taong makakasama ngayong pasko. Ngunit saan ba siya hahanap n’on, e, wala na naman siyang pamilya? Napabuntong-hininga siya. Ilang sandali pa ay nakaramdam na siya ng gutom. Kaninang umaga nga pala ang huli niyang kain. Tumitingin-tingin siya sa paligid, nagbabaka-sakaling may makikitang kahit anong puwedeng kainin ngunit nabigo siya.
       Malungkot siyang nagpatuloy sa paglalakad. Napalingon siya sa tahanan na pinanggalingan kanina ng ilang bata. Kung siya kaya ang kumanta roon, may matatanggap kaya siya? Muling nagparamdam ang kaniyang tiyan. Nagtungo siya sa harap ng bahay at nagsimulang kumanta.
       “Ang Pasko ay sumapit. Tayo ay mangagsiawit. Ng magagandang himig...” pag-awit niya. Madalas niya rin kasi marinig ang kantang iyon. Katamtaman lang ang lakas ng boses niya. Sapat na siguro iyon upang marinig siya ng may bahay.
       Matapos ang ilang minuto ay lumabas na ang babae kanina. Hindi niya mabasa ang ekspresyon ng mukha nito. Tumingin ito sa kaniya at waring nairita sa kaniya. Nilapitan siya nito at buong puso niyang tinanggap ang iniabot nito.
       Sa wakas.
       “Salamat po, Ate. Maligayang Pasko po.”
       Nang makalayo sa bahay ay tiningnan niya ang palad niya. Limam-piso ang naroon. Agad sumilay ang ngiti sa kaniyang labi. Sinubukan pa niyang mangaroling sa ibang bahay ngunit wala nang nag-abot ng tulong sa kaniya.
       “Ate, pabili po nitong biskwit. Limam-piso po,” sabi niya sa babae sa pinuntahang tindahan. Iniabot nito sa kaniya ang itinurong biskwit at agad niya iyong kinain. Sa wakas, nakakain din siya. Tumingala siya sa kalangitan at nagpasalamat sa Kanya.
       Muli niyang sinundan ang bituin. Napakaliwanag ng kinang niyon. Napakagandang pagmasdan. Hindi na niya mawari kung nasaan na siya. Malayo-layo na rin ang narating niya. Lumapit siya sa mga basurahan sa harap ng malaking bahay. Baka may makita siyang ilang gamit na puwede niyang pakinabangan. Masinop niyang inisa-isa ang laman ng basurahan hanggang sa matagpuan ng mga mata niya ang isang manyika. Kinuha niya iyon mula sa pinakailalim at gano’n na lamang ang tuwa niya nang mahawakan iyon. Isang barbie doll na may nakakaakit na mukha kahit na marumi na. Napakaganda rin ng kasuotan niyon. Kulay pink na bestida. Iyon nga lang, wala na ang isang braso niyon ngunit ayos lang. Ang mahalaga ay nakakita siya n’on. Ang tagal na kasi niya nangangarap na magkaroon ng ganoong klase ng manyika. Hindi na naman siguro iyon kailangan ng may-ari dahil nasa basurahan na. Sapat na iyong regalo ngayong Pasko.
       Hindi maalis ang ngiti sa mga labi ni Isay habang pinagmamasdan ang hawak na manyika. Hinahaplos niya ang buhok noon pati na rin ang kasuotan. Kailan kaya siya makakapagsuot ng ganoong uri ng damit? Kailan kaya siya makakaranas na maging isang prinsesa?
       Tumigil siya saglit at ipinikit ang mga mata pagkatapos ay lumitaw sa kaniyang malikot na imahinasyon ang sarili na nakasuot ng damit katulad ng sa manyika. Bagay na bagay iyon sa kaniya. Maayos din ang pagkaka-ipit ng buhok niyang hanggang balikat. At ang bango niyang tingnan. Nasa tabi niya ang kaniyang pamilya. Kung puwede nga lang na ganoon na lang ang maging buhay niya, wala na siyang mahihiling pa. Subalit malayo roon ang kaniyang realidad. Hanggang pangarap lang siya. Hilig kasi niya ang mangarap ng kung ano-ano. Libre lang naman kasi ang mangarap.
       Bumuntong-hininga siya bago muling naglakad. Kailangan na lang niya maghanap ng matutulugan at bukas siya muling makikipagsapalaran sa buhay. Wala na ring masyadong tao sa paligid dahil malalim na ang gabi. Bawat bahay ay may kumikinang na ilaw.
       Kasalukuyan siyang tumatawid sa kalsada. Nakatingin pa rin siya sa mistulang regalo kaya marahil hindi niya napansin ang paparating na sasakyan. Huli na nang mapansin niya ang ilaw mula roon. Muntik na siyang masagasaan! Mabuti na lang at mabilis iyong nakapreno. Napaupo siya sa mabatong kalsada, habol ang hininga habang nakatingin sa harap ng sasakyan. Lumabas ang may-ari noon – isang babae, at mabilis siyang nilapitan.
       “Iha, ayos ka lang ba? Nasaktan ka ba?”
       “Ah, o-okay lang po ako.”
       Bahagya nitong hinaplos ang kaniyang buhok at tiningnan ang kaniyang braso para tingnan kung talagang maayos siya. “Sigurado ka? Pasensya ka na, iha. Muntik ka na tuloy madisgrasya,” sabi nito. Napakalambing ng boses nito na nahaluan ng kaunting kaba.
       Tumayo siya at nilimot ang tumalsik na manyika. “Okay lang po talaga ako, Ate. Pasensya na rin po at hindi ako tumitingin sa daan.”
       “Saan ka ba nakatira? Ihahatid na kita.”
       Natahimik siya saglit. Animo may kumurot sa kaniyang puso sa tanong na iyon. Muli siyang nagsalita. “Wala po kasi akong tirahan. Mag-isa lang po ako.”
       Tila sumilay ang lungkot sa mga mata nito. “Ganoon ba? Gusto mo ba sa amin ka muna tumira?” pahayag nito kapagkuwan.
       “P-Po?”
       “`Wag kang mag-alala. Hindi ako masamang tao. Sa katanuyan ay may ilang bata pang katulad mo na nasa bahay ko rin.”
       Pinagmasdan niya itong mabuti. Sa tantiya niya ay nasa trenta na ang edad nito. Nakasuot ito ng magandang blusa na hanggang braso at pantalon. Malungkot itong nakangiti ngunit bakas sa tono nito na nagsasabi ito ng totoo.
       ‘Hindi naman siguro niya ako sasaktan,’ aniya sa isip.
       “Hindi po kayo masamang tao?” Hindi niya mapigilang itanong.
       Hindi ito nagulat dahil sanay na ito sa ganoong klase ng tanong. Umiling ito. “Gan’yan din ang tanong sa akin noon ng mga bata. Gusto ko lang kayong tulungan, wala rin naman akong nakakasama sa bahay dahil wala rin akong pamilya katulad n’yo.”
       Kung totoo ang sinasabi nito marahil ay napakalungkot din ng buhay nito noong nag-iisa pa lang ito. “Salamat po, Ate,” sambit niya. Pakiramdam niya ay maiiyak na siya dahil sa kasiyahang nadarama.
       Katulad ng sinabi ng babae, dinala siya nito sa bahay nito. Doon niya nakilala ang dalawa pang bata. Napakabait nga ng babae, Kinakalinga sila nito na parang tunay na anak.
       Sa pagsapit ng Pasko ay lubos ang kaniyang pasasalamat sa babaeng tumulong sa kaniya, lalo na sa Panginoon. Nakakain siya ng masasarap na pagkain at nakapagsuot siya ng magarang bestida. Nakatira siya sa isang tahanan na napapalamutian ng kumukuti-kutitap na ilaw. At higit sa lahat, nagkaroon siya ng masayang pamilya. Unti-unti niyang napagtanto na marahil doon siya dinala ng bituin na sinundan niya. Naramdaman niya ang tunay na kahulugan ng Pasko. Natupad na ang pangarap niya.