Martes, Oktubre 27, 2015

Gapakin Man

 

            Sa mundong ito kapag mahirap ang tao, kawawa. Ang walang alam; madadaya, maaabuso ng ibang tao, o minsan pa, mapagbibintangan sa isang bagay na hindi ginawa. Gumagalaw ang siyudad base sa batas na ginawa ng matatalinong tao. Patuloy sa pag-ikot ang mundo, walang tigil ang pagtakbo ng oras. Maraming magbabago ngunit hindi ang buhay ng mga taong patuloy na gumagawa ng bagay na sumisira sa kanila.

            Nanginginig ang kamay at buong katawan ni Mang Ben, isang may kapayatang lalaki, nang pumasok siya sa isang kainan. Bahagya niya pang inayos ang sumbrero at pasimpleng nag-obserba sa paligid. Malalim na ang gabi kaya tahimik na sa lugar na iyon. Wala siyang dapat ipag-alala.

            Isang babaeng nasa may pinto ang nakapukaw ng kaniyang atensyon. Halatang may kaya sa buhay base sa suot nitong damit. Tila naman nakaramdam siya ng poot habang pinapanood ito at ang ilang tao roon na masiglang humihigop ng sabaw mula sa kani-kanilang pagkain.

            Nagtagis ang kaniyang bagang at muling lumabas upang sa labas na lamang abangan ang partikular na babae.

            At hindi nga siya nagkamali dahil mayamaya pa'y lumabas na rin ang babae patungo sa isang madilim na eskinita. Nang makahanap ng tyempo, mabilis na inagaw ni Mang Ben ang pitaka nito. Malas niya dahil naging alerto ito kaya kinailangan pa niyang makipag-agawan dito. Sa takot na may makarinig sa sigaw ng babae ay bumunot na siya ng kutsilyo at inihamba iyon dito.

            "Ibigay mo sa akin ito!" pahasik niyang sigaw rito habang pilit na inaagaw ang pitaka.

            "K-Kailangan ko ho ito ngayon. Maawa kayo." Garalgal ang tinig nito.

            Itinago ng dalaga sa likuran ang pitaka kaya naman inipit ito ni Mang Ben sa pader at itinutok ang kutsilyo sa tiyan. Gulong-gulo na ang utak niya. Natatakot siya sa maaaring mangyari ngunit wala siyang balak umatras.

            "`Wag mo nang hintaying masaktan, Miss."

            "I-Ito po... `Wag n'yo lang akong saktan."

            Ngunit ang akala ni Mang Ben na makakamtam ay napalitan ng malakas na sipa na pinakawalan nito at tumama sa kaniyang binti. Hindi niya iyon ininda.

            "Tulungan n'yo ak—”

            Nahawakan niya ito sa buhok at dulot ng matinding tensyon at takot na nararamdaman, kusang gumalaw ang kamay niya para saksakin ito. Ramdam niya ang panghihina nito habang unti-unting nalugmok sa lupa.

            "Pare, tumawag tayo ng pulis. May sinaksak yata roon."

            Dalawang lalaki ang nasa dulo ng eskinita ang nakatingin kay Mang Ben. Bahagyang inuusisa ang kinaroroonan niya at ang isa'y tila may kausap na sa telepono. Nanghihina man ang mga tuhod dulot ng sipa natamasa, madali siyang kumilos upang takasan ang kasalanang magdadala sa kaniya sa impyerno.

            Dumaan siya sa isang gubat at nang makasiguradong walang nakasunod, napalupagi na lamang siya. Halos hindi na siya makahinga dahil sa takot na namumuo sa dibdib. Pumatak na rin ang kaunti niyang luha na humalo sa pawis.

            Tatlong-libo. Para sa tatlong-libong piso nagawa niyang kumitil ng buhay. Ganoon na ba kababa ang halaga ng buhay ng isang tao para sa kaniya? Wala sa plano niya ang pumatay. Hindi niya iyon gusto ngunit iyon lang ang naisip niyang paraan upang mapasakaniya ang pakay. Sa pinagdaraanan niya ngayon, wala na yata siyang sinasanto.

            Napansin niya ang pulang likido sa kamay. Pangalawang beses na nagkabahid ng dugo sa mga kamay. Pangalawang beses na nakapatay siya nang hindi sinasadya. Malamang bukas, nasa telebisyon na muli ang ginawa niyang krimen, at mukha kung nagkataong namukhaan siya ng dalawang lalaki.

            "Ano ba itong nagawa ko?" gigil niyang isinuntok sa lupa ang kamao.

            Hindi siya papayag na madamay ang mga taong iniingatan niya.

            Kailangan na niyang lumayo.

 

            "`TAY! `Tay! Bakit po ngayon lang kayo umuwi? Kagabi pa po namin kayo hinihintay." Isang batang lalaki na nasa edad na lima ang patakbong sumalubong kay Mang Ben pagkapasok pa lang sa maliit na bahay. Sunod na sumalubong ay ang batang si Nina na pitong taon.

            "Pasensya na kayo, Atong. Nagtrabaho pa ang tatay kaya ngayon lang ako." Inilapag niya sa lamesa ang isang supot. "Bumili ako ng pansit para sa kaarawan mo. Paborito mo ito, 'di ba?"

            Tila mga bituing kumislap ang mata ni Atong at bumungisngis. "Talaga, `Tay? Yehey!"

            "Nasaan nga pala si Mikoy, Nina?" Ang kakambal ng anak na babae ang tinutukoy niya.

            "`Tay, nasa kuwarto po. Masakit pa rin po ang tiyan."

            Binalot siya ng pag-aalala nang makita si Mikoy sa banig na namimilipit sa sakit ng tiyan. Maya't maya rin kung humaluyhoy ito at tagaktak ang pawis.

            Noong isang gabi pa masakit ang tiyan ni Mikoy. Dahil yata iyon sa nakain nito habang nangangalakal. Kung hindi nga lang pinapalayas si Mang Ben sa mga pinapasukang trabaho, hindi magkakanda-leche-leche ang buhay nila. Hindi siya mapipilitan gumawa ng masama.

            "Mikoy, narito na ang Tatay. Inumin mo muna itong gamot." Masuyo niya itong pinalitan ng damit bago ipainom ang biniling gamot.

            Gusto man niyang dalhin ito sa ospital, hindi naman niya magagawa dahil kailangan pa rin niya magtago. Mabuti na lamang at malayo ang tirahan nila sa lugar na pinangyarihan ng krimen, hindi rin ganoon karami ang naninirahan. Hindi siya agad matutumbok ng mga pulis.

            Mayamaya'y natigil na sa paghalinghing si Mikoy. Bahagya ring nabawasan ang nerbyos na nararamdaman niya. Binuhat niya ito patungo sa sala kung saan naroon si Atong at Nina.

            Hindi mapaknit ang kaniyang ngiti sa nakikitang galak sa mukha ng mga ito habang nilalantakan ang pansit na may kapartner pang puto. Sigurado siyang kung nabubuhay pa ang kaniyang asawa, matutuwa rin ito—iyon ay kung hindi nito malalaman ang ginawa niyang kasamaan mapakain lang ang mga anak.

            "`Tay, ano pong nangyari sa damit ninyo?"

            "Ah, ano, anak…Nagkatay kasi ako ng karne sa bayan. Natalsikan. Sandali lang, magpapalit ako ng damit."

            Sinigurado niyang walang anumang bahid ng dugo ang damit bago iyon itinago. Nanginginig ang kaniyang kalamnan, nangingilid ang luha. Tila pinipira-piraso ang kaniyang buong katawan sa paghihinagpis. Ang kaluluwa niya'y animo sinusunog sa impyerno. Hindi na niya alam ang gagawin para maiahon sa kahirapan ang pamilya.

            Hindi nakatapos ng elementarya si Mang Ben dahil sa hirap ng buhay. Maaga rin siyang naulila sa magulang. At ang asawa naman niya, namatay sa panganganak sa kambal. Pakiramdam niya siya na yata ang pinakamalas na tao sa mundo. Ginawa niya ang lahat para lang mabuhay ang mga anak na nagsisilbi niyang lakas. Pinasok ang anumang malilinis na trabaho, pero dahil nga walang natapos at sa katawang tila patpat, tinatanggal din siya agad.

            Naaalala pa niya nang minsang nagkasakit si Atong; nanlimos siya sa bayan, nagmakaawa sa mga taong nakita, nanghingi ng pagkain. May nagbigay ng tulong, ngunit ang ilan, itinaboy siya na parang maruming aso.

            Napagbintangan din siyang nagnakaw. Nagpaliwanag siya ngunit walang naniwala. Ano ba naman ang laban niya sa mga taong may kwarta at may pinag-aralan? Maabuso at maabuso siya kahit ano'ng gawin niya. Dalawang araw siyang nakulong bago pinatawad kahit siya dapat ang magpatawad. Patas ba iyong maituturing?

            Sa mata ng batas, talo ang walang alam. Hindi mahalaga kung inosente ka. Ang mahalaga, may pinag-aralan ka ba?

            Hindi nagtagal, tinahak ni Mang Ben ang maling landas. Tutal kriminal na rin naman ang tingin sa kaniya ng ilang tao. Wala ring nag-aabot ng tulong kaya siya na ang gumawa ng paraan. Gagawin ni Mang Ben ang lahat para sa mga anak niya.

            "`Tay!" boses iyon ni Atong. "Si Kuya Mikoy po, sumasakit na naman ang tiyan!"

            Naabutan ni Mang Ben ang anak na namimilipit na naman sa upuan. Bawat daing at iyak nito ay tila karayom na tumutusok sa kaniyang dibdib. Nawawarak ang kaniyang puso.

            Hindi na niya kayang panoorin iyon kaya nagdesisyon siyang dalhin na sa ospital.

            Ayon sa doktor, nalason si Mikoy. Swerte na nga raw itong maituturing dahil hindi agad bumigay ang katawan nito. Ngunit kailangan nitong manatili pa sa ospital upang mabigyan ng naaayon na gamot.

            "Atong, Nina, dito muna kayo. Bantayan n'yong mabuti si Mikoy, ha?" Dinukot niya sa bulsa ang natirang pera pagkatapos ay iniabot iyon kay Nina. "Heto, bumili kayo ng pagkain sa labas. Aalis lang ako."

            Kumapit sa laylayan ng T-shirt niya si Atong. "`Tay, saan po kayo pupunta?"

            "Magta-trabaho lang ulit ako para may pambayad dito sa ospital."

            "Babalik po kayo agad, `Tay, ha?" segunda ni Nina.

            Nakangiti siyang tumango bago hinalikan ang dalawa. "Mahal na mahal ko kayo." Sunod niyang nilapitan si Mikoy na mahimbing na natutulog at binigyan ito ng halik na sana'y makatanggal ng sakit na nararamdaman nito. "Patawarin mo ako, Mikoy. Magpagaling ka." At tuluyan siyang lumabas ng kuwarto.

            Alam niyang hindi pababayaan ng ospital ang kaniyang mga anak. Kailangan niyang magtiwala.

            Maingat pa rin si Mang Ben nang makalabas sa ospital. Panay ang sisi niya sa sarili. Kulang ang salitang kriminal para sa kaniya. Kasalanan niya kung bakit nalagay sa alanganin ang buhay ni Mikoy. Pinabayaan niya ito. Wala siyang kwenta. Ano pa bang pasakit ang ibibigay sa kaniya ng Diyos!?

            Diyos? May Diyos nga ba talaga? Kung mayroon, bakit nangyayari ang lahat ng iyon sa kaniya? Wala siyang ginagawang masama noong umpisa. Napilitan lamang siya dahil sa mga punyetang tao na kung ituring siya'y parang hayop! Ngayon ano'ng gusto Niya para lang gumaling ang kaniyang anak!? Huli na ba para magsisi?

            Lumalim na ang gabi ngunit patuloy pa rin si Mang Ben sa paglalakad. Hanggang sa makarating siya sa isang tulay na hindi na masyadong matao. Mataas iyon at isa lang ang pumasok sa isip niya nang makita iyon.

            Umakyat siya roon at umupo. "Kung totoo Ka, maaari bang ako na lang ang kuhanin Mo `wag lang ang kahit sino sa mga anak ko? Ako ang nakagawa ng masama, ako dapat ang magbayad."

            Tuluyang bumagsak ang mga luhang matagal nang kinikimkim ni Mang Ben. Matapos ang mahabang panahon, ngayon lang siya muling tumawag sa Panginoon. Habag na habag siya sa sarili. Humugot siya ng malalim ng hininga at ilang beses pinatama ang kamao sa sementong kinauupuan.

            "Tatalon ka ba, o iiyak nang iiyak?"

            Isang lalaking mapayat at may kahabaan ang buhok ang nalingunan ni Mang Ben sa kaniyang kanan. Nangalumbaba ito sa kinauupuan niya habang patuloy ang paghithit sa hawak na yosi.

            "Mga taong may malalaking problema lang ang nakakaisip magpakamatay."

            "Isa akong kriminal," pag-amin niya.

            "Tatalon ka para tumakas?"

            "Tatalon ako para sa mga anak ko. Sila ang nagbabayad ng mga kasalanang ginawa ko."

            Nagbuga ito ng usok bago humarap sa kaniya. Tila wala lang dito ang mga sinasabi niya. Sa tantiya niya ay nasa trenta anyos na rin ito katulad niya. "Kasalanan ang pagpapakamatay. Gusto mo bang mga anak mo rin ang magbayad sa kasalanang iyan?"

            Napayuko siya. Kitang-kita niya ang malakas na agos ng tubig na malamang binagsakan na niya kung hindi dumating ang lalaking ito.

            "Anong dapat kong gawin?" malumanay niyang sabi.

            "Bumaba ka riyan at pag-usapan natin." Sumunod naman siya. "Naniniwala ka ba sa salitang pag-asa?

            "Sandali, hindi ka ba natatakot sa akin? Isa akong kriminal. Dalawang tao ang napatay ko. Hindi ba dapat ay tumatawag ka na ng pulis?"

            "Hindi ko agad isusuplong sa pulis ang taong nangangailangan ng tulong." Hinagod nito ang mahabang buhok. "Ngayon, sagutin mo ang tanong ko."

            Saglit na natahimik si Mang Ben. "Hindi. Ilang beses na akong kumapit sa salitang iyan pero tingnan mo ako. Hanggang ngayon ay nakalugmok pa rin sa impyernong buhay."

            "Dahil hinayaan mo ang sarili mong gumawa ng masama."

            "Kung hindi ko iyon ginawa, hindi mabubuhay ang mga anak ko!" Hindi na napigilan ni Mang Ben ang inis na nararamdaman. Bakit ba hinayaan niya itong pakialamanan siya?

            Aalis na sana siya nang magsalita ito.

            "Narinig ko ang mga sinabi mo sa Kaniya kanina. Totoong may Diyos, maniwala ka. Ibibigay niya sa iyo ang kapatawarang hinihingi mo."

            "Ikaw ba ang Diyos!? Ano ba'ng alam mo?" pahasik niyang tanong ngunit ngumiti lang ito saka muling humithit sa sigarilyo.

            "Ang totoo niyan marami na rin ako nagawang kasalanan. Nagnakaw, nanloko... at nakapatay." Nagulat siya sa sinabi nito. "Iniwan ako ng asawa ko. Naisip kong wala nang kwenta ang buhay ko kaya tinangka kong magpakamatay sa lugar na ito mismo."

            "Ano'ng nangyari?"

            "Nakita ko sila na nagtitiis sa hirap para lang mabuhay. Naisip kong sayang ang buhay ko kung p'wede pa naman akong magbago. Kaya hinarap ko ang batas kasama ang problemang ako ang gumawa." Iminuwestra nito gamit ang sigarilyo ang ilang taong nasa tulay. Mga pulubi iyon na nagsisiksikan sa isang karton para lang makatulog. Ang ilan naman ay nagtyatyaga sa kakarampot na pagkain.

            Nakaramdam si Mang Ben ng awa, hindi lang para sa sarili.

            "Naranasan ko nang yurakan ang pagkatao ko dahil sa estado ko sa buhay. Kaya nga ako naging ganito."

            "Pero hindi katulad nila, palagi kang magtatago sa batas. Habang-buhay kang hahabulin na iyong konsensya." Naglakad ito patungo sa basurahan at itinapon roon ang sigarilyo saka muling nagsindi ng panibago. "Hindi sagot ang pagpapakamatay, kaibigan. Hindi iyan ang solusyon para matakasan ang problema."

            Tinamaan si Mang Ben sa mga sinabi nito. Wala sa hitsura nito ang magsasabi ng mga ganoong klaseng bagay na makakapagpaisip sa kaniya ng mga dapat niyang gawin. Nanikip ang kaniyang dibdib, bumugso ang luha, at napaluhod na lang habang inaalala ang mga anak. Kung hindi dahil sa lalaking ito, wala na siya sa mundong ito.

            Nais na niyang magbago. Huli na ba?

            Kapagkuwan ay naramdaman niya ang marahang tapik sa kaniyang balikat. Tapik ng isang taong mapagkakatiwalaan. Magaan iyon at masasabi niyang nagbigay sa kaniya ng lakas ng loob kahit paano. Lalo na ang mga salitang sunod nitong pinakawalan.

            "Tandaan mo. Iisa lang ang buhay natin ngunit ang pag-asa at pagbabago, nasa harapan lang natin iyan, hindi mawawala. Tumayo ka na riyan. Tutulungan kita."

            Hindi naglao'y ginawa ni Mang Ben ang isang bagay na matagal na dapat niyang ginawa—ang pagharap sa batas. Kusa siyang sumuko sa mga pulis at pinatawan ng pitong taong pagkakakulong.

            Tiniis niya ang hirap sa loob ng malamig at walang buhay na selda. Inihabilin niya ang mga anak sa lalaking nakapagbago ng paniniwala niya; ang lalaking tumulong sa kaniya--si Junel. Pinabibisita nito sa kaniya ang mga anak para lang mapunan ang pangungulilang nadarama.

            Subalit hindi na kagaya ng dati. May kulang sa kasiyahan niya. Naroon pa rin ang pagsisi sa kaniyang damdamin.

            Ngunit ano pa nga ba ang magagawa niya? Ang mga bagay na tapos na'y kailanman hindi niya maibabalik pa. Magpatuloy ng pakikibaka sa buhay ang tangi niyang magagawa.

            Kaya nang matapos ang pagdurusa sa loob, sa wakas nakalaya na rin siya.

            Nagmamadaling bumaba ng jeep si Mang Ben nang sa wakas ay makarating sa paaralan. Kalalaya niya lang kasi. Nanibago siya kaya medyo naligaw pa siya. Kailangan niya ring mahabol ang oras dahil ang sabi ni Junel ay ala-una ng hapon raw magsisimula ang programa. Ngunit pasado alas dos na yata.

            Agad nahanap ni Mang Ben ang puwesto nina Junel. At isang mainit at makabagbag-damdaming yakap ang isinalubong sa kaniya ni Atong.

            "`Tay, na-miss po kita," umiiyak na sabi ng bata.

            "Na-miss din kita, anak. `Wag kang mag-alala. Pangako, hindi ko na kayo iiwan."

            Pansamantalang napunta sa kanila ang atensyon ng ilang tao ngunit mayamaya pa'y nakangiting inakbayan siya ni Junel.

            "Tamang-tama lang ang dating mo. Hayun si Nina, puntahan mo na."

            "Naging ama ka rin sa kaniya. Gusto ko sanang sabay tayong sumalubong sa kaniya."

            Kitang-kita niya kung paano umakyat sa entablado si Nina. Abot-tainga ang ngiti nang tanggapin ang isang papel na magpapatunay sa nakatapos na siya. Tapos na ito sa elementarya, sa wakas. At iyon ay sa tulong ni Junel.

            "Maligayang pagtatapos, Nina," salubong ni Mang Ben sa panganay nang makababa ito.

            Kumislap ang mga mata ni Nina at animo kidlat sa bilis ang pagkawala ng luha nito. Ngiti na may kasamang iyak ang ipinakita nito. Ikinulong naman niya ito sa bisig bago halikan ang tuktok ng ulo.

            "Pasensya ka na, ngayon lang ako. Hindi ko man lang nasilayan ang pagpasok mo sa elementarya."

            "Okay lang, `Tay. Ang mahalaga narito ka na. At nakita mo akong umakyat sa entablado."

            "Bisitahin natin si Mikoy pagkatapos. Sigurado akong matutuwa iyon 'pag nakita ang diploma mo. Mapapasayaw 'yon," natatawa niyang sabi.

            Pansin niya ang ilang guro sa malapit na nakangiting nakatutok sa kanila at tila narinig ang kanilang pag-uusap. Buong pusong pinasalamatan ni Mang Ben ang mga ito na naging gabay rin ni Nina.

            Matapos ang programa pinuntahan agad nila si Mikoy, maliban kay Junel na mauuna na raw umuwi.

            Alam ng Diyos kung gaano siya kasabik na makita ito; na mahawakan ito, at marinig ang tinig at tawa nito. Nakakalungkot lang dahil lahat ng iyon ay hindi na mangyayari. Tanging larawan na lang at ang mga letrang nakaukit sa puntod nito ang masisilayan niya.

            Hanggang sa mga sandaling iyon hindi niya pa rin maiwasan sisihin ang sarili. Iniisip niya pa rin kasi na baka si Mikoy ang naging kabayaran sa mga kasalanan niya noon. Ang pagkamatay nito ang pinakamatinding karma na natanggap niya at habang buhay papasanin.

            Inayos ni Mang Ben ang dalang bulaklak sa puntod ng namayapang anak.

            "Mikoy, anak, narito na si Papa. Nami-miss na kita. Patawad kung nangyari ito."

            Nakatitig lamang siya sa puntod, nagpipigil na 'wag maluha ngunit kahit anong pigil niya para magmukhang matapang, lumalabas pa rin ang kalambutan ng puso niya bilang ama. Mayamaya'y naramdaman niya ang pagyakap ni Nina, sumunod si Atong.

            At sa harap ng puntod ni Mikoy, nangako siya sa sariling hindi na babalik sa balikong daan para buhayin ang natitirang anak. Makikisabay siya sa agos ng buhay, sa batas, pero hindi sa maling paraan.


Ito ay isang lahok sa Saranggola Blog Awards 7.  www.sba.ph

 


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento