Martes, Setyembre 22, 2015

Bituin sa Kalangitan


       Malamig na ang simoy ng hangin. Humahaplos iyon sa balat ng labing-limang taong gulang na si Isay. Hindi maitatanggi na nalalapit na ang Pasko. Marami na namang bata ang nasasabik na makatanggap ng regalo galing sa kani-kanilang ninong at ninang. Subalit ang batang si Isay ay wala noon pero umaasa pa rin siya kahit paano.
       Patuloy siya sa paglalakad sa may kadilimang kalsada. Bahagya ng nananakit ang mga paa niya. Pudpod na rin kasi ang tsinelas niya na napulot niya lang sa basurahan noong isang araw. Pati na rin ang amoy niya ay hindi na kaaya-aya kaya hindi nakakapagtakang nilalayuan siya ng mga tao sa tuwing lalapit siya sa mga ito. Sobrang dungis na rin ng T-shirt at shorts niya.
       Nakatingala siya sa kalangitan at nakatingin sa maliwanag na bituin. Sinusundan niya kasi iyon habang tahimik na nananalangin na sana ay maging masaya ang Pasko niya kahit mag-isa lamang siya. Baka sakaling dalhin siya ng bituin na iyon sa hiling niya.
       Matagal nang wala ang magulang ni Isay. Madalas kasi silang matulog sa gilid ng kalsada dahil wala silang permanenteng tahanan. Isang araw ay nagising na lamang siya na wala na ang ina sa tabi niya. Kung nasaan ito ay hindi niya mawari. Ang hula niya ay iniwan talaga siya nito sapagkat ampon lang naman siya. Pabigat lang siya rito. At mula noon ay mag-isa na siyang gumagawa ng paraan para mapunan ang kumukulong tiyan.
       Sa paglalakad niya ay natanaw niya ang ilang bata sa tapat ng isang bahay. Masigla ang mga itong umaawit. May hawak ang mga itong pinagsama-samang tansan na nakakabit sa kawad upang magsilbing tunog sa pangangaroling. Pinagmasdan niya ang mga ito at pagkatapos ay nakita niyang lumabas ang may-ari ng bahay at may iniabot sa mga batang umawit. Halos magtatalon ang mga ito sa natanggap.
       ‘Ano kaya ang binigay n’ong babae sa kanila? Pera kaya iyon?’ aniya sa isip.

       Nalampasan na siya ng mga bata. Hindi niya maiwasang makaramdam ng inggit sa nakita. Gusto niya rin maging ganoon kasaya. Gusto niya magkaroon ng mga taong makakasama ngayong pasko. Ngunit saan ba siya hahanap n’on, e, wala na naman siyang pamilya? Napabuntong-hininga siya. Ilang sandali pa ay nakaramdam na siya ng gutom. Kaninang umaga nga pala ang huli niyang kain. Tumitingin-tingin siya sa paligid, nagbabaka-sakaling may makikitang kahit anong puwedeng kainin ngunit nabigo siya.
       Malungkot siyang nagpatuloy sa paglalakad. Napalingon siya sa tahanan na pinanggalingan kanina ng ilang bata. Kung siya kaya ang kumanta roon, may matatanggap kaya siya? Muling nagparamdam ang kaniyang tiyan. Nagtungo siya sa harap ng bahay at nagsimulang kumanta.
       “Ang Pasko ay sumapit. Tayo ay mangagsiawit. Ng magagandang himig...” pag-awit niya. Madalas niya rin kasi marinig ang kantang iyon. Katamtaman lang ang lakas ng boses niya. Sapat na siguro iyon upang marinig siya ng may bahay.
       Matapos ang ilang minuto ay lumabas na ang babae kanina. Hindi niya mabasa ang ekspresyon ng mukha nito. Tumingin ito sa kaniya at waring nairita sa kaniya. Nilapitan siya nito at buong puso niyang tinanggap ang iniabot nito.
       Sa wakas.
       “Salamat po, Ate. Maligayang Pasko po.”
       Nang makalayo sa bahay ay tiningnan niya ang palad niya. Limam-piso ang naroon. Agad sumilay ang ngiti sa kaniyang labi. Sinubukan pa niyang mangaroling sa ibang bahay ngunit wala nang nag-abot ng tulong sa kaniya.
       “Ate, pabili po nitong biskwit. Limam-piso po,” sabi niya sa babae sa pinuntahang tindahan. Iniabot nito sa kaniya ang itinurong biskwit at agad niya iyong kinain. Sa wakas, nakakain din siya. Tumingala siya sa kalangitan at nagpasalamat sa Kanya.
       Muli niyang sinundan ang bituin. Napakaliwanag ng kinang niyon. Napakagandang pagmasdan. Hindi na niya mawari kung nasaan na siya. Malayo-layo na rin ang narating niya. Lumapit siya sa mga basurahan sa harap ng malaking bahay. Baka may makita siyang ilang gamit na puwede niyang pakinabangan. Masinop niyang inisa-isa ang laman ng basurahan hanggang sa matagpuan ng mga mata niya ang isang manyika. Kinuha niya iyon mula sa pinakailalim at gano’n na lamang ang tuwa niya nang mahawakan iyon. Isang barbie doll na may nakakaakit na mukha kahit na marumi na. Napakaganda rin ng kasuotan niyon. Kulay pink na bestida. Iyon nga lang, wala na ang isang braso niyon ngunit ayos lang. Ang mahalaga ay nakakita siya n’on. Ang tagal na kasi niya nangangarap na magkaroon ng ganoong klase ng manyika. Hindi na naman siguro iyon kailangan ng may-ari dahil nasa basurahan na. Sapat na iyong regalo ngayong Pasko.
       Hindi maalis ang ngiti sa mga labi ni Isay habang pinagmamasdan ang hawak na manyika. Hinahaplos niya ang buhok noon pati na rin ang kasuotan. Kailan kaya siya makakapagsuot ng ganoong uri ng damit? Kailan kaya siya makakaranas na maging isang prinsesa?
       Tumigil siya saglit at ipinikit ang mga mata pagkatapos ay lumitaw sa kaniyang malikot na imahinasyon ang sarili na nakasuot ng damit katulad ng sa manyika. Bagay na bagay iyon sa kaniya. Maayos din ang pagkaka-ipit ng buhok niyang hanggang balikat. At ang bango niyang tingnan. Nasa tabi niya ang kaniyang pamilya. Kung puwede nga lang na ganoon na lang ang maging buhay niya, wala na siyang mahihiling pa. Subalit malayo roon ang kaniyang realidad. Hanggang pangarap lang siya. Hilig kasi niya ang mangarap ng kung ano-ano. Libre lang naman kasi ang mangarap.
       Bumuntong-hininga siya bago muling naglakad. Kailangan na lang niya maghanap ng matutulugan at bukas siya muling makikipagsapalaran sa buhay. Wala na ring masyadong tao sa paligid dahil malalim na ang gabi. Bawat bahay ay may kumikinang na ilaw.
       Kasalukuyan siyang tumatawid sa kalsada. Nakatingin pa rin siya sa mistulang regalo kaya marahil hindi niya napansin ang paparating na sasakyan. Huli na nang mapansin niya ang ilaw mula roon. Muntik na siyang masagasaan! Mabuti na lang at mabilis iyong nakapreno. Napaupo siya sa mabatong kalsada, habol ang hininga habang nakatingin sa harap ng sasakyan. Lumabas ang may-ari noon – isang babae, at mabilis siyang nilapitan.
       “Iha, ayos ka lang ba? Nasaktan ka ba?”
       “Ah, o-okay lang po ako.”
       Bahagya nitong hinaplos ang kaniyang buhok at tiningnan ang kaniyang braso para tingnan kung talagang maayos siya. “Sigurado ka? Pasensya ka na, iha. Muntik ka na tuloy madisgrasya,” sabi nito. Napakalambing ng boses nito na nahaluan ng kaunting kaba.
       Tumayo siya at nilimot ang tumalsik na manyika. “Okay lang po talaga ako, Ate. Pasensya na rin po at hindi ako tumitingin sa daan.”
       “Saan ka ba nakatira? Ihahatid na kita.”
       Natahimik siya saglit. Animo may kumurot sa kaniyang puso sa tanong na iyon. Muli siyang nagsalita. “Wala po kasi akong tirahan. Mag-isa lang po ako.”
       Tila sumilay ang lungkot sa mga mata nito. “Ganoon ba? Gusto mo ba sa amin ka muna tumira?” pahayag nito kapagkuwan.
       “P-Po?”
       “`Wag kang mag-alala. Hindi ako masamang tao. Sa katanuyan ay may ilang bata pang katulad mo na nasa bahay ko rin.”
       Pinagmasdan niya itong mabuti. Sa tantiya niya ay nasa trenta na ang edad nito. Nakasuot ito ng magandang blusa na hanggang braso at pantalon. Malungkot itong nakangiti ngunit bakas sa tono nito na nagsasabi ito ng totoo.
       ‘Hindi naman siguro niya ako sasaktan,’ aniya sa isip.
       “Hindi po kayo masamang tao?” Hindi niya mapigilang itanong.
       Hindi ito nagulat dahil sanay na ito sa ganoong klase ng tanong. Umiling ito. “Gan’yan din ang tanong sa akin noon ng mga bata. Gusto ko lang kayong tulungan, wala rin naman akong nakakasama sa bahay dahil wala rin akong pamilya katulad n’yo.”
       Kung totoo ang sinasabi nito marahil ay napakalungkot din ng buhay nito noong nag-iisa pa lang ito. “Salamat po, Ate,” sambit niya. Pakiramdam niya ay maiiyak na siya dahil sa kasiyahang nadarama.
       Katulad ng sinabi ng babae, dinala siya nito sa bahay nito. Doon niya nakilala ang dalawa pang bata. Napakabait nga ng babae, Kinakalinga sila nito na parang tunay na anak.
       Sa pagsapit ng Pasko ay lubos ang kaniyang pasasalamat sa babaeng tumulong sa kaniya, lalo na sa Panginoon. Nakakain siya ng masasarap na pagkain at nakapagsuot siya ng magarang bestida. Nakatira siya sa isang tahanan na napapalamutian ng kumukuti-kutitap na ilaw. At higit sa lahat, nagkaroon siya ng masayang pamilya. Unti-unti niyang napagtanto na marahil doon siya dinala ng bituin na sinundan niya. Naramdaman niya ang tunay na kahulugan ng Pasko. Natupad na ang pangarap niya.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento