Martes, Setyembre 22, 2015

Malungkot na Kapalaran

       
MULA sa kahon na kinalalagyan ko ay narinig ko ang mga yabag mo rito sa loob ng bodega. Mabibigat ang mga yabag na bahagyang nagpapatalbog sa maliit kong katawan. Hindi ko mawari kung sino ka pero sapat na dahilan na iyon upang makaramdam ako ng kaunting pag-asa.
       Paminsan-minsan ay tumitigil ang mga hakbang. Ilang sandali pa ay naramdaman ko ang pag-angat ng munti kong silid pagkatapos ay unti-unting bumukas ang pintong kaytagal ko ng gustong buksan.
       Makakaalis na ba ako muli sa kulungang ito?
       Tinapatan mo kami ng flash light at ngiting-ngiti ako sa ‘yo. Hindi ko nga lang maaninag ang iyong mukha dahil madilim dito sa bodega. Matapos ang ilang segundo ay bigla mong isinara ang kahon. Magpo-protesta sana ako ngunit ano ba naman kung sumigaw ako? Hindi mo naman maririnig.
       ”Hindi ko man lang nasilayan ang liwanag,” malungkot kong ibinulong sa sarili.
       Ngunit tila naman narinig ang aking kahilingan. Muling bumukas ang kahon at ganoon na lamang saya ko nang tumambad sa akin ang liwanag. Bahagya pa akong napapikit dahil naninibago ako roon.
       Tumingala ako sa kisame at naroon ang bombilya na nagbibigay ng liwanag sa bahaging ito ng bahay.
       “Ilang taon na ba ang nakalipas mula nang makita ko ang kuwartong ito? Ah... hindi ko na maalala,” aniko.
       "Sana hindi magalit si papa sa ginagawa kong ito." 
       Napalingon ako sa ‘yo. Pamilyar ang iyong mukha. Dinampot mo ako at masuyong hinipan upang maalis ang alikabok na dumikit sa katawan ko. Napakalambot ng palad mo. Pansamantala akong napanganga nang isabit mo ako sa christmas tree. Kaytagal na rin mula nang makita ko ang punong ito. Napahagikhik ako. Kulay dilaw ako kaya naman sigurado akong aangat talaga ang kulay ko rito. Walang dudang Pasko na at matapos ang napakahabang panahon, gagamitin ulit kami bilang disenyo sa napakalungkot na bahay na ito.
       Malinaw kong natitigan ang iyong mukha. Ikaw yata ang labing-isang taong gulang na bata sa nakaraan ko. Ngunit paanong nangyari na ganito ka na kalaki ngayon? Sa tantya ko ay nasa bente na ang edad mo. Ang hugis parisukat mong mukha, matangos na ilong, kulay tsokolateng mga mata, at ang makakapal mong kilay. Ikaw nga ang batang si Marcus na madalas kong makalaro noon.
       Naaalala ko pa ang panahon na iniuwi ako ng pamilya mo mula sa maliit na bangketa sa isang bayan. Magpapasko noon at ikaw mismo ang pumili sa amin para bilhin. Madalas mo akong laruin dahil paborito mo ang kulay dilaw. Hindi matawaran ang sayang naramdaman ko noon lalo na kapag nakikita kitang nakangiti. Bawat Pasko, ikaw mismo ang kumukuha sa amin sa malinis na bodega – na ngayon ay hindi na binibisita pa.
       Ngunit lahat pala talaga ay nagbabago, nagwawakas. Matapos ang tatlong Pasko, tuluyan mo kaming itinago at hindi na ginamit pa. Isang araw noon matapos ang Pasko, naaksidente ang iyong ina. Batay sa pagkakarinig ko ay nabangga ang sinasakyan niyang dyip. Isa siya sa hindi na umabot pa sa ospital. Labis ang lungkot mo at ng iyong ama.
       Hindi ko man alam ang buong kuwento, batid kong may kinalaman ang aksidenteng iyon kung bakit nawalan na rin ng buhay ang bahay na n’yo. Tinitigan ko ang mga mata mo. Hindi maitatago ang lungkot doon. Gusto kong haplusin ang iyong mukha ngunit wala akong kakayahan na gawin iyon. Wala akong magawa kundi titigan ka.
       “`Wag ka nang malungkot. Narito pa ako,” sambit ko kahit alam kong hindi mo maririnig.
       “Sino’ng may sabi sa ‘yong kuhanin mo ‘yan sa bodega?” Sabay tayong napatingin sa nagsalita – ang iyong ama! Masama ang kaniyang tingin.
       “Pa, Pasko ngayon at dapat lang na maglagay ako ng kulay rito.”
       “Hindi ba’t sinabi kong hindi na puwede ang mga ganyang kaartehan sa bahay ko? Matagal ko na iyang ipinagbawal. Iligpit mo ang mga iyan kung ayaw mong sirain ko ‘yan.” Puno ng awtoridad ang boses niya.
       Hindi ko maiwasan ang mainis sa kaniya. Bakit ganoon na lang ang galit niya sa amin. Wala kaming kasalanan sa kaniya. Tungkulin lang naming bigyang kulay ang isang bahay. Kasalanan na ba ‘yon?
       “Walang masama sa ginagawa ni Marcus!” sigaw ko.
       “Wala hong kinalaman ang Pasko sa pagkawala ni Mama noon,” katwiran mo. “Napakatagal na noon at gusto kong buhayin ang bahay na ito”
       Nagtiim ang bagang niya at lumapit sa ‘yo. “May kinalaman ang Pasko. Kaarawan Niya ngayon. Kaarawan Niya ang Pasko at Siya ang kumuha sa Mama mo! Wala akong planong magdiwang ng kaarawan niya. Ngayon,” tumuro ito sa sa christmas tree, “iligpit mo na ‘yan habang hindi ko pa naiisip na itapon iyan.”
       Nilampasan ka niya at tinungo ang direksyon ng kuwarto.
       “Pa,”
       “Ang sabi ko alisin mo ang mga ‘yan.”
       “Pero –“
       Lumingon siya at kahit ako'y nasindak. “Hindi mo ba ako narinig!? Ang sabi ko iligpit mo ang mga bagay na iyan!”
       Gusto kong maging tao sa mga oras na ito. Gusto kong humarang sa pagitan ninyo at ipaintindi sa ama mo na walang kinalaman ang Diyos sa pagkamatay ng asawa niya. Lahat ng bagay, lahat ng tao, may wakas.
       Mabilis siyang nakalapit sa puwesto ko. Nanlilisik ang kaniyang mata at walang ano-ano’y inalis niya ang isang bola at itinapon iyon sa kung saan. Napasinghap ako lalo na nang ako ang madampot ng kamay niya. Humarap siya sa ‘yo habang hawak ako. Mahigpit ang pagkakahawak niya sa akin. Nasasakal ako. Wala akong lakas para lumaban. Ramdam ko ang galit niya. Puno ng hinagpis at poot.
       “Walang Pasko, Marcus."
       “Meron, Pa. Kung bubuksan n’yo lang muli ang isip n’yo at tatanggapin ang mga nangyari, mararamdaman ninyo ang kagandahan ng Pasko. Hindi ito magugustuhan ni Mama oras na makita niya kayo sa gan’yang sitwasyon. Kailangan n’yong tanggapin... na wala na siya.”
       Lumandas ang luha sa mata mo ngunit tila bato ang iyong ama. “Walang Pasko at `wag ka nang makipagtalo sa 'kin kung ayaw mong samain.”
       Mabilis ang mga pangyayari. Tumilapon ako at malakas ang pagbagsak ko sa sahig. Naramdaman ko ang pagkabiyak ng parte ng katawan ko. Tumalbog ako at gumulong sa isang sulok. Wala akong magawa. Ito ang buhay ko. Hindi ako ang kumokontrol.
       “Noong araw na mawala ang mama mo, hindi na ako naniniwala sa Kaniya."
       “Alisin mo ang poot sa dibdib mo,” usal ko. “Totoo Siya dahil Siya ang nagbibigay sa atin ng buhay. Siya at ang Pasko ang nagbibigay ng pag-asa sa lahat. Hindi mo kailangang maging ganito," mangiyak-ngiyak kong sabi.
       Hindi pa yata nakuntento ang iyong ama. Nilapitan niya ako at tinapakan. Tuluyang nadurog ang katawan ko. Matapos iyon ay umalis na siya ngunit hindi nakalampas sa paningin ko ang malulungkot niyang mata.
       Napabaling ako sa ‘yo na tahimik na nakatulala sa akin. Patuloy ang paglandas ng luha mo. Hindi ko maipaliwanag ang sakit na nararamdaman ko. Hindi na yata mababago pa ang bagong paniniwala ng iyong ama ngunit alam ko na balang araw, mabubuhay muli ang bahay na n’yo.
       “`Wag kang mag-alala, Marcus. Hindi pa huli ang lahat. Balang araw...” sambit ko. Nakakalungkot lang na sa araw na iyon, hindi na ako makakapagbahagi pa ng kulay sa tahanan nyo. Dahil ano mang oras, maglalaho na ako

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento